Lumulubog na ang araw bandang alas-singko ng hapon… habang ang dilim ay bahagya nang sumasakob sa kawalan… napansin ko na lamang na unti-unting humahakbang ang dalawang paang animo’y lata sa maghapong pag-usad sa direksyong walang patutunguhan. Tumigil ito at nahantad sa akin ang animo'y gusaling itinago at pinagkaitan ng liwanag ng mainit na pagmamahal.
Malaki, may kalumaan at mataas ang harang na bakod na nakapalibot sa gusali. Berde, pahaba, matalim, nakalulungkot ang mumunting bukasan patungo sa lugar kung saan ang mundo sa kanila ay parisukat.
Unti-unti na namang umuusad ang dalawang paang animo’y lata sa maghapong pagtahak sa direksyong walang patutunguhan. Humakbang patungo sa kabilang mundo sa likod ng mumunting bukasan. Nang makaalpas sa harang na nagbubuklod sa magkaibang mundong pilit na pinaghihiwalay ng mumunting bukasan at matataas at matatalim na bakod, hindi maitatagong naglalaro sa aking isipan ang ideyang “saan ako patungo?” at “ano ang ginagagawa ko sa lugar na ito?” Bumalik sa aking diwa ang alaalang ako’y nahagip lamang ng mapagpalang kamay at nahila sa pag-usad patungo sa lugal na ito. Bago pa man muling humakbang ang dalawang paang animo’y lata sa pagtahak sa direksyong walang patutunguhan, ginising ng hubad na imahe ng gusali ang aking diwang naglalakbay sa alapaap.
Nakamamangha, masaya, malungkot… unang impresyong pumukaw sa damdaming kanina lamang ay nahihimbing.
Malawak ang paligid… animo’y isang paraisong ikinukubli mula sa tunay na mundong ating ginagalawan. Naagaw ang aking pagmumuni-muni ng mga nilalang na humahagikhik, umiiyak at nagsisipagtakbuhan patungo sa aming kinalalagyan. Pagkagulat at pagtataka ang unang sumagi sa aking puso sa sandaling ito.
Muli, umusad ang aking mga paa sa lugar kung saan ang latang mga paa ay dininig ng mga diyosa at ito’y namahinga.
Naupo ako sa malambot na upuan sa loob ng gusali. Naglakbay ang aking mga mata at nabatid kong maraming nilalang ang namamahay sa gusaling iyon. Sanggol, musmos, paslit, dalaga, binata. Sa isang iglap, hindi ko alam at para bang hinihila ako ng kung ano patungo sa isang sulok ng gusali kung saan may nauulinigan akong tinig na mula sa isang paslit. Malungkot ang tinig na iyon na para bang umaawit ng isang lirikong naghahangad ng kalayaan at pagmamahal. Humakbang na naman ang aking mga paa na hindi na idinadaing ang pagkalata.
Matapos makarating sa isang sulok na iyon, nahantad ang isang babae, payat, may kahabaan ang buhok, maganda subalit malungkot na imahe ng isang batang paslit. Sumagi sa aking pusong siya’y nagpipighati at may kung anong bagay na gusto niyang ibulalas subalit walang sinuman ang handang maulinigan ang pighating bumabalot sa katauhan ng kaawa-awang paslit. Nahabag ang pusong kanina lamang ay may bahid ng pagtataka.
Naupo ako sa tagiliran ng paslit at nagtanong kung ano ang dahilan ng kanyang pagtangis. Tumingala ang paslit at mahigpit na yumakap sa katawan kong bahagyang nakadaiti sa upuan. Nagimbal ang aking buong katawan at hindi inaasahang unti-unti na ring niyakap ang kahabag-habag na batang paslit. Napabuntong-hininga ang paslit na tila ba biglang kumawala ang mabigat na damdaming nakapasan sa kanya kanina lamang.
Hindi ko mawari kung anong nagbubuklod sa amin at nabatid kong naghahanap siya ng kaibigan.
Siya si Angel… nagkamuwang sa apat na sulok ng gusaling iyon. Malungkot, mapoot, at may paghihinagpis ang maamo niyang mukhang tila hindi man lang natamasa ang tamis ng isang ngiti.
Hindi ko inaasahan ng biglang may inusal siyang tumarak sa puso’t isipan ko na hanggang ngayon ay sariwa pang tumataginting sa kawalan.
“Ate, hiniram ka din ba nila?”
Napanganga ako at biglang nangapa sa hangin kung ano ang itutugon ko sa tanong na iyon. Bumulalas na lamang ng walang kagatul-gatol ang mga katagang, “Hindi, bakit?” Pinukaw na lamang ng pagkagulat at pagtataka ng bata ang diwa kong tila sinabugan ng malakas na bomba na ginamit noong digmaan.
Nang mahimasmasan, nabatid ko mula sa paslit na siya’y isa sa mga batang uhaw sa pagmamahal ng isang magulang. Simula sanggol, siya’y pinaniwalang bukas, mamaya o sa susunod na araw, darating ang taong inakala niya ay makapagtuturo sa kaya ng tunay na katuturan ng salitang pagmamahal.
Hiram… siya ay hiniram…
Iyon ang mga sandaling nagpukaw sa mahimbing kong diwa at damdamin…hinihiram din pala ang tao… inaari kahit saglit na sandali.
Si Angel… siya ang unang gurong humubog sa huwad kong pagkatao. Nagmulat sa pikit kong pananaw ukol sa mga bagay na hindi nabibigyan ng pansin ng ilan. Mga bagay na sa pag-inog ng mundo ay natatabunan ng mga mapagkunwaring mukha ng kasakiman… subalit sa pagkakataong ito, nahawi na ang ulap sa aking pagkatao…nagpapasalamat sa mga paang dati ay lata sa paghakbang. Ngayon ay may tiyak na direksyon nang patutunguhan…direksyong tuwid at hindi maalon.
Buti na lang… hindi ako hiram.
1 comment:
hanepz..writer talaga..hehe
Post a Comment